Post date: Feb 24, 2017 3:37:21 AM
Marami akong karanasan sa aking buhay: karanasan sa pamilya at sa aking pag-aasawa. Bakit nga ito ang pinaka hindi ko malilimutan?
Para sa akin, hindi ako naging mabuting anak sa aking mga magulang. Marami akong mga nagawang mali na ikinasama nila ng loob. Nakapag-asawa ako ng wala pa sa panahon. Gayon pa man, kahit sobrang sakit ang aking naidulot tinanggap pa rin nila ako dahil sa kanilang pagmamahal. Palagi nila akong pinapangaralan. Hindi daw ito parang kaning mainit na aking isusubo, at aking iluluwa kapag napaso. Kahit alam ko sa aking sarili na mali ang aking nagawa dahil wala pa akong naitutulong sa aming pamilya at sobrang mura pa ako sa edad, pinangatawanan ko pa rin ang maagang pag-aasawa. Hindi ko pinagsisihan ang ano mang mayroon ako ngayon resulta ng maagang pag-aasawa.Nagkaroon ako ng anak na nagiging inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang naudlot kong pangarap noon.
Sa ngayon, hindi man ako naging mabuti at masunuring anak ng aking mga magulang, ipinapangako ko sa aking sarili, gagampanan ko ang pagiging mabuting ina sa aking anak. Patutunayan ko sa aking mga magulang na hindi pa huli ang lahat para tuparin ko ang mga minimithi nila para sa akin noon. Gagawin ko ang lahat upang makabawi sa kanila at maging mabuting anak.