Bilang Isang Kabataan: Ano ang Maitutulong Ko sa Aking Pamayanan?
Post date: Apr 06, 2017 7:49:16 AM
(ni: Renz Roldan Molina ng Poblacion Learning Center)
Ang pamilya ang pinakamaliit na yunit sa lipunan at ang estado ng bawat isa nito ay ang salamain ng kaunlaran ng isang pamayanan. Malinaw na
sinasabi ng analohiynag ito na sa loob mismo ng ating tahanan magmumula ang inaaasam nating pag-unlad.Bawat miyembro ng isang pamilya ay mayroong mai-aambag para makamit ang kaunlaran. Ako bilang isang kabataan, ang aking maibabahagi ay limitado ngunit buong paniniwala kong ang mga ito ay magdudulot ng magaganda at pang-matagalang resulta sa hinaharap.Sisikapin kong maging masunurin at magalang na anak at mapag-mahal na kapatid. Tutulong rin ako palagi sa mga gawaing-bahay. Naniniwala ako na sa ganitong kaisipan at gawain sa loob ng ating mga tahanan nagsisimulang mahubog ang mga pangunahing sangkap sa isang maunlad na pamayanan, gaya ng diwa ng pagkakaisa at kapayapaan, at pagmamalasakit sa kapwa.Ang aking mga natutuhan sa loob ng tahanan at paaralan ay aking isasabuhay sa lahat ng pagkakataon. Ako rin ay susunod sa mga batas at alituntunin na ipinatutupad sa aming pamayanan. Ako rin ay lalahok sa iba’t ibang proyekto sa aming pamayanan para sa lalo pang ikauunlad nito.
Naniniwala ko na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, kaya ngayon pa lang ay sisimulan ko nang maging isang mabuting mamamayan. Magagawa ko ito sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti, at pag-iwas sa bisyo o sa anumang masasamang gawain katulad ng sugal. Pipilitin ko rin maging isang mabuting huwaran sa mga kapwa ko kabataan. Lubos akong naniniwala na ang mga simple at maliliit na paraan kong ito ay isang malaking kontribusyon sa pagpapa-unlad ng pamayanang aking kinabibilangan.