CECILIA A. OCAMPO - 2012 A&E PASSER

Maraming nabago sa buhay ko mula ng makapagtapos ako sa ALS noong ika-25 ng Abril 2013. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpatuloy sa pagiging facilitator ng Educhild Parenting Program na programa ng ating City Government ng Balanga. Sa ngayon ay nasa pangangasiwa na ng DepEd ang Educhild. Mga magulang ng mga batang nagsisipag-aral sa paaralan ng District I ang aming pina-facilitate. Noong nakaraang ika-24 ng Marso 2014, kasabay ng mga batang nagsipagtapos ng elementarya, tumanggap naman ang mga magulang ng sertipiko bilang katibayan na sila ay nakapagtapos ng sampung module ng Parenting Program. Isangdaan at tatlo ang bilang ng mga magulang na tumanggap ng katibayan. Nang gabing yaon ay tumanggap din ako at ang aking asawa ng plaque of appreciation at token sa kagandahang loob ng BES Principal na si Gng. Jennifer G de Guzman at ni Mayor Jose Enrique S. Garcia III. Ang kasiyahan sa aking kalooban na bagama’t nakapagtapos pa lamang ako ng sekondarya ay nakapag-ambag na sa mga proyekto ng ating pamahalaan at mga paaralan.

Nakabilang din ako bilang miyembro ng Civil Society Organization noong April 2013. Nangangailangan noon ang ating National Government ng mga facilitator para sa Family Development Session ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at isa ako na volunteer na tagapagturo. Limang barangay ang aming tinuturuan ang Talisay, Bagumbayan, Ibayo, Malabia at Tenejero. Ito yung tinatawag na 4P’s mga kababayan natin na kapos sa maraming bagay at tinutulungan sila ng ating pamahalaan . Nagtuturo naman kami sa kanila ng dagdag kaalaman sa pang-araw-araw na buhay at pang-espiritual.

Sa ngayon nagagamit ko rin ang pinag-aralan kong dressmaking sa ALS/TESDA. Nakabili ako ng makinang panahi at may nagbigay naman sa akin ng electric sewing machine. May mga nagpapatahi na at mas marami ang nagpapa repair ng damit. Naging dagdag kita din ang napag-aralan kong pananahi. Nakatipid din ako para sa mga anak ko dahil ako na mismo ang tumatahi ng kanilang unipormeng pang –eskwela.

Napatunayan ko na malaki ang naging bahagi ng ALS sa buhay ko. Ang motibasyong galing sa inyong mga guro ng ALS naging kaibigan, nagpapalakas ng loob at inspirasyon ng mga katulad ko na nakakahabol pa sa larangan ng edukasyon. Totoo nga ang nakasulat sa banal na aklat na “ may nauunang nahuhuli at may nahuhuling nauuna.” Matagal akong nahinto sa pag-aaral pero hindi maalis sa aking kaisipan at puso ang patuloy na mangarap at nagsisikap na mai-angat ang buhay. Kung papaanong kayong mga guro ay naging inspirasyon sa mga katulad namin, nais ko rin na maging bahagi ng buhay ng kababayan nating kinapos din ng kapalaran.

Sa aking pananaw ang tagumpay ay hindi lamang matatagpuan sa kayamanan at magandang tahanan o karangyaan sa buhay. Kundi ang maging inspirasyon ng ating mga kababayan. Mabago ang kanilang pananaw at maging daan ka ng kanilang pagbabago. Iyon ang kayamanang hindi kayang pantayan ng anumang bagay dito sa mundo. Pwede na rin akong makapag-enrol ngayon pasukan sa Bible School dahil nakapagtapos na ang aking anak na panganay .

Salamat po sa inyong gabay.