CONNIE FE G. PREMOR 2011 A&E PASSER
Post date: Apr 06, 2017 6:22:34 AM
Ako po si Connie Fe Premor 22 yrs. old, isinilang sa isang probinsya ng Panoloon Sapad Lanao Del Norte noong May 15, 1994. Ang mga magulang ko po ay sina Pedro Premor at Concepcion Premor na parehas magsasaka ang trabaho, apat po kaming magkakapatid ako lang po yung babae, pangalawa sa panganay. Noon masasabi ko pong sa probinsya namin ay nasa middle class yung pamumuhay namin, tama lang na makakain ng tatlong beses sa isang araw, may pambili sa mga kailangan sa bahay. Bata palang ako lagi ko na napapansin na nag-aaway sila mama at papa dahil si papa ay laging nagsusugal tapos palagi pang dinadala sa hospital yung kuya ko dahil mahina ang baga niya. Hanggang sa isang araw nalugmok ang pamilya namin sa kahirapan, nabaon kami sa utang lalo na at tatlo na kaming nag aaral, nahihirapan na kaming makabili ng kahit ulam hanggang sa naranasan naming asin nalang ang ulam. Mas madalas pang saging na saba o di kaya ay kamoteng kahoy ang kinakain namin at sinasawsaw sa asin dahil kahit bigas wala na kami. Nawalan kami ng kuryente at kahit pambili ng gas para sa gasera nahihirapan na kaming makabili or kahit kandila man lang.
Maaga akong namulat sa buhay, Grade 4 palang ako nagbebenta na ako ng mga yema, tira-tira (homemade candy),saging, mani at kahit anong pwedeng mabenta sa school kahit sa mga hindi ko kaklase binibentahan ko para lang may pambili ng project at pangbigay ako sa mga nakababata kung kapatid ng pambaon. Masaya na ako na kahit sa recess wala akong makain basta lang makita kung kumakain ang mga kapatid ko. Limang piso malaking baon na sa akin iyun mas madalas wala akong baon, madalas nauubusan din ako ng papel kaya ginagawa ko nanghihingi ako sa mga kaibigan ko. Nagppasalamat pa rin ako na kahit hirap na kami at magulo pa ang pamilya ay may mga taong nakapaligid sa amin na tinutulungan kami. Nakatapos ako ng elementarya na nagbibenta ng mga yema,mani at iba pa tapos tuwing hapon pumupunta ako sa pwesto ni mama na bentahan ng palamig para tulungan siya, minsan lumiliban pa ako sa klase lalo pag masama pakiramdam ni mama. Nung nag high school ako naging mas mahirap na ang lahat dahil sa dami ng mga project, apat na din kaming nag aaral at mas lalong nagkakalabuan ang mga magulang ko. Tumigil sa pagtitinda si mama kasi siya na rin ang nag-aasikaso ng inaalagaan naming bukid dahil sa mga panahong iyon di namin maasahan si papa.
Hanggang pati trabaho ng lalaki pinasok ko na, sumasali ako s mga grupo ng mga lalaki na nakikiani ng palay. Dalawa lang kaming babae ng bestfriend ko, hinikayat ko siyang sumali para my kasama ako, kasama ko rin ang papa ko sa grupo tapos pinapasahod kami ng may ari ng palayan. Malaki na sa akin ang makasahod ng 600 pesos sa loob ng isang linggo dahil sa dami naming naghahati, hanggang sa nagkakasakit na ako at dumadami na ang absent ko sa school. Tumigil ako sa pag-aani at nagsumikap lalo mag aral dahil sa kinalakihan kung buhay isa lang narealize ko, na ang susi sa kaunlaran para makaahon sa kahirapan ay ang PAG-AARAL, kasipagan at determinasyon sa buhay. Tuwing Biyernes ng hapon hanggang Linggo ng hapon nagtatrabho ako sa isang karendirya para may pantulong ako sa mga magulang ko habang nag aaral ako pero nagsawa din ako sa pag aaral, inisip ko nalang na tumigil sa pag-aaral para magtrabaho nalang kasabay nun napariwara ang buhay ko sumali ako sa isang fraternity sa school namin. Nung nabalitaan ng mama at papa ko pinagalitan nila ako, sinabi ko sa kanila ang dahilan kung bakit ako sumali at dahil sa kanila para matuon naman ang atensyon nila sa aming magkakapatid kaysa sa pag aaway nila. Pero hindi pala sapat na dahilan ang sirain ang buhay mo dahil lang sa mga problema, mas lalo lang palang magiging mahirap ang sitwasyon. Nawalan kami ng kuryente, motor, tv, bahay at naghiwalay sina mama at papa nagsasama nalang sila para sa amin. Hanggang sa nakikikain nalang kami ng mga kapatid ko sa bahay ng lolo at lola ko. Nung umalis si mama patungong Surigao dahil namatay ang lola ko, matagal siya bago nakabalik sa amin at si papa naman madalang umuwi sa bahay. Ako ang tumayong magulang sa dalawa kung kapatid, si kuya naman ang nagtatrabaho para sa pang araw-araw naming gastos, tapos nagkakasakit pa sila. Doon ako na gising sa katotohanan, doon ako nangarap ulit na iaahon ko sa kahirapan ang aking pamilya at bubuoin ko ulit ang nasira naming pamilya.
Nakipag sapalaran kami ng mga pinsan ko noong May 2010 at sa Bataan kami napadpad. Namasukan ako sa Bataan bilang kasambahay, naging mahirap sa akin ang malayo sa pamilya ko sa murang edad, kaka 16yrs. old ko lang noon. Sa taon ding iyon nagtayo ng spa ang anak ng boss ko at kinuha ako pra matrain bilang isa sa mga magiging Massage Therapist nila. Hindi na ako nakapagtapos ng high school at minsan nagbanggit ako sa mga naging kaibigan ko sa Bataan na gusto kong magtapos ng pag aaral kaya lang paano? at yung oras ng pasok ko sa trabaho ay 12pm-11pm. Tinatanong ko lagi sa sarili ko kung pwede nga bang pagsabayin ang pag aaral at ang regular na trabaho? Pero mukhang malabo dahil ang alam ko buong araw ang normal class ng high school. Ilang buwan ang lumipas, habang nagtatrabaho ako sa spa yung isang kaibigan ko nagbalita sa akin ng tungkol sa ALS (Alternative Learning System).
Ito ay isang learning system sa Pilipinas kung saan nagpoprovide ng practical option para sa mga nagtatrabaho o sa kahit anumang kadahilanan para hindi makapag access ng pormal na edukasyon sa isang paaralan. Nagpatuloy ako ng pag aaral sa ALS Cupang West Learning Center sa taong 2011. Ang naging guro ko ay si Mrs. Irene P. Aranas, nung una naging mahirap ulit sa akin ang pagsabayin ang trabho at pag aaral, kinausap ko si mam Irene na baka pwedeng umaga nalang ako papasok tapos paminsan minsan nalang ako mag whole day sa klase at maghahabol nalang ako. Pumayag naman siya para lang hindi ako tumigil ulit sa pag aaral, malaki ang pasasalamat ko at nagkaroon ako ng isang gurong mabait, mahaba ang pasensya at maunawain. Natapos at naipasa ko ang ALS sa tulong na din ng mga taong nakapaligid sa akin na umintndi ng sitwasyon ko at gumabay sa akin. Nagpalipat-lipat ako ng ibang trabaho kung saan mas maganda ang offer at naging mas madali sa akin ang matanggap dahil na din sa work experience ko at sa pagtapos ko sa ALS ng sekondarya. Nag aral din ako sa TESDA bilang Massage Therapist para sa NCII, at nag aral ulit ako ng DOH Licensure for Massage Therapist sa VGL Training Center at nag top 2 ako sa Oral Practical board exam ng batch nmin. Pagkatpos kung maging licensed MT mas dumami ang offer sa akin, nag offer sa akin ang VGL Center na kunin ako bilang isa sa maging teacher nila, tinanggap ko ngunit hindi din nagtagal dahil nagkaroon ako ng offer na magtrabaho dito sa Saudi Arabia bilang isang Massage Therapist sa tulong ng aking mga kaibigan. Malaki ang pasasalamat ko sa Alternative Learning System kasi kung hindi ako nakapagtapos ng high school hindi ko mararating ang estado ko sa buhay ngayon, hindi sana ako NCII holder, hindi sana ako licensed massage therapist at higit sa lahat wala din sana ako dito sa Saudi. Hindi lang ako ang natulungan ng ALS, pati na din ang pamilya ko kasi mas nasusuportahan ko na sila ng mas maayos na financial at mas maayos na tirahan. Yung mga naging achievements ko sa sarili at sa buhay ko ay nagsimula lahat sa ALS, kasama ang sipag, tiyaga at pananalig sa Panginoon. Taos puso akong nagpapasalamat sa mga taong bumubuo ng ALS at sa teacher kung si Mrs. Irene Aranas, sa Panginoon na laging nandiyan sa aking tabi para ako’y gabayan sa pamamagitan ng mga taong nakakasalamuha ko. Sa pamilya kong nagpatibay sa akin at sa mga kaibigang na naging daan para makarating ako sa kinatatayuan ko ngayon, lubos akong nagpapasalamat sa inyo.
Thank you very much ALS, hindi lang dito nagtatapos ang lahat ng magiging achievements ko at magpapatuloy ako sa buhay lalong lalo na sa pag aaral. Kaya mas nag- iipon ako ngayon pang college dahil sa mga experiences ko sa buhay, ang susi sa kaunlaran ay EDUKASYON, sipag, tiyaga at tiwala sa Panginoon.