Post date: Jul 08, 2021 2:32:49 AM
Ang Edukasyon ang Susi sa Matagumpay na Pamumuhay at sa marami pang bagay. Ang kaalamang natututuhan ng mga mag-aaral ang tumutulong upang buksan at imulat sa kanilang kaisipan tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kapaligiran. Edukasyon ang magbubukas ng daan upang kanilang malaman ang mga karapatan at ang kaakibat nitong pananagutan. Ang edukasyon ang nagbubukas pinto upang maipamalas ang lahat ng karunungan at kaalamang nakukuha ng bawat mag-aaral. Ngunit sa panahon ng pandemya ganito at sapat pa rin kaya ang kaalamang mapupulot ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral? Maraming pagbabago ang nangyayari sa larangan ng edukasyon maging ang mga pamamaraan at estratehiya sa pagtuturo ay malaking hamon para sa mga guro. Sa banta ng Coronavirus Disease (COVID-19), nagbago ang paraan ng pagtuturo at pag-aaral ng mga estudyante sa taong pampanuruan 2020-2021. Matinding dagok ang dala ng pandemya na ito sa buhay ng tao, hindi lamang sa edukasyon kung di na rin pati sa pamumuhay, sa pamilya, sa lipunan, sa negosyo, sa mental health at marami pang iba. Ngunit ang mga guro ay di papadaig sa kalabang di nakikita sapagkat umisip at patuloy na gumagawa ng paraan upang maihatid ang dekalidad na edukasyon. Nariyan ang Modular Distance Learning kung saan ang mga mag-aaral ay magsasagot at matuto sa pamamagitan ng self-learning at maaring pagtatanong sa guro sa pamamagitan ng text messages o chat, Online Distance Learning kung saan nagtuturo ang guro online at Blended distance Learning. Maaring nagbago na nga ang paghahatid ng pagkatuto para sa mga mag-aaral ngunit sa “New Normal” na ipapatupad, ang new normal na ito sa sistema ng edukasyon, nabatid natin na may mga opsyon ang mga mag-aaral na maaring pagpilian kung paano nila ipagpapatuloy ang pag-aaral sa kabila ng pandemya.