Post date: Aug 23, 2021 12:27:40 AM
Libreng bakuna laban sa Covid-19 virus ang makatutulong upang maging ligtas ang mamamayan at maprotektahan ang ating komunidad mula sa nakamamatay at di nakikitang kalaban. Sa pagtutulungan ng Department of Health, Pamahalaang Panlalawigan at mga namumuno sa iba’t ibang bayan ng Bataan, sinisikap nitong ipagpatuloy ang pagsasagawa ng pagbabakuna sa mga mamamayan ng ating lalawigan upang makamit ang tinatawag na herd immunity upang unti-unting manumbalik sa normal ang pamumuhay ng bawat indibidwal. Bagaman, marami pa rin ang tila may takot sa posibleng maging epekto ng bakuna sa kalusugan, ang ating pamahalaan ay hindi nagkukulang sa pagpapalaganap sa social media ng impormasyon na makatutulong sa pagpapamulat sa kaisipan ng karamihan sa kabutihang dulot ng pagtanggap ng bakuna. Kaugnay nito, malaking papel ang ginagampanan ng ating mga frontliner upang patuloy na maisagawa ang pagbabakuna sa mga mamamayang tumatanggap nito. Sa kasalukuyan, mayrong sapat na vaccination site ang itinalaga ang ating pamahalaan sa bawat bayan upang maging mas komportable para sa mamamayan. Patuloy ang pagbibigay ng QR code para sa maayos na sistema ng pagbabakuna sa bawat vaccination site.
Sa kasalukuyan ang Bataan ay nasa alert level 4 at nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). Bagamat mataas ang bilang ng ating mamamayang nagpopositibo sa Covid-19, sinisikap ng ating gobernador Honorable Albert S. Garcia na matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.
Ang bakuna laban sa Covid-19 ay isang bahagi lamang ng pagpapanatili ng kaligtasan at malusog na pamayanan. Ang mga mamamayan ay nararapat na ding panatilihin at sundin ang mga safety protocols upang mas maging mabilis at mabisa ng pagsugpo sa Covid-19 sa tulong nito, mapanatiling ligtas ang bawat isa at maging ang kanilang mga mahal sa buhay.
“Kalusugan ay alagaan sa wastong pamamaraan upang sakit ay maiwasan”