Post date: Jul 17, 2019 8:48:33 AM
“Anumang dunong at kaalaman,
Na sa paaralan ating natutunan.
Hatid nito’y kaunlaran
Hinding-hindi matutumbasan ng anumang yaman.”
“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” mga katagang sinambit at iniwan ni Dr. Jose P. Rizal. Sa mga kabataan ito’y ipinamumulat sapagkat sila ang itinuturing na susi nang isang maunlad at matagumpay na bayan sa hinaharap.
Karamihan sa ating mga kabataan kahirapan ang kinagisnan at kinamulatan. Kahirapang kadalasan sila ang pumapasan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ang ilan sa kanila sa murang edad at musmos na isipan ay nagbabanat na ng kanilang mga buto upang malabanan ang kahirapang kanilang dinaranas.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat, pagtatapos ng pag-aaral ang siyang daan upang mapaunlad itong buhay. Tanging edukasyon ang kasagutan upang makawala ang sinumang nakagapos sa tanikala ng kahirapan. Sa ganitong paraan mawawakasan ang pasakit na dulot sa mga kabataan.
Ang Alternative Learning System o mas kilala sa tawag na ALS ang ngayo’y nagsisilbing kanlungan at sandigan ng mga kabataan. Mga kabataan na tila ba’y napagkaitan ng pagkakataong makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa pormal na paaralan. Dahil sa bigat na kanilang mga pasanin sa buhay, inuuna nilang tugunan ang kumakalam nilang mga sikmura. Sa pamamagitan ng paghahanapbuhay dahil laman ng isipa’y makatulong sa mga magulang. Kahit pa kapalit nito’y paglaho ng kanilang mga parangap at inaasam sa buhay.
Ngayon sa tulong ng ALS, mga pangarap na naglaho ay unti-unti ng matutupad. Ang pagiging mabuting anak at huwarang mag-aaral sabay ng magagampanan. Puspusang pag-aaral, bukas na isipan ang kinakailangan upang mga aralin ay lubusang matutuhan. Matapos ang pagpupursigi, inaasam-asam na diploma ng karunungan ay makakamtan.
Programa ng ALS sadyang nilaan para sa mga bata, kabataan at matanda na hindi nakpagtapos ng pag-aaral. Mga aralin dito’y makatutulong sa mga nagnanais na makapagtapos ng pag-aaral. Karunungang taglay ay huhubugin at lilinangin. Sa bawat barangay doon matatagpuan mga magigiting na guro ng ALS na syang tutulong sa mga bata, kabataan at matanda na abutin ang kanilang mga minimithi sa buhay.
Ang sabi nga nila, “sa bawat pintong nagsasara, may bintanang magbubukas,” upang magbigay ng bagong pag-asa. “Narito ang ALS maglilingkod at magsisilbi ng buong husay upang matugunan mga pangangailangan ng mga bata, kabataan at matanda na dito’y umaasa . Mag-aral nang buong husay sapagkat edukasyon ang susi sa matagumpay na pamumuhay.