Post date: Apr 09, 2021 7:27:55 AM
Sa laban na ating kinahaharap, sama-samang sinusugpo ang hindi nakikitang banta. Likas na kaugaliang Bayanihan sa mga Pilipino’y nananalaytay. Sama-samang may pangambang haharapin bagong normal na tinatawag. Kalidad ng Edukasyon ay sisiguraduhing sa mga mag-aaral ay maihahatid. Upang hindi mapatdan iba’t ibang modality sa pagkatuto’y inilunsad, nariyan ang Virtual Class, Online Distance Learning, Modular at Blended Learning. Pag-aaral na sa mga kabataan magsisilbing pag-asa sa hamon ng Pandemyang ating kinahaharap.
Higit isang taon na ang nakalilipas ng mundo’y magulantang sa pangambang dulot ng COVID-19. Marami nang nagbago sa pamumuhay ng mga tao, kasama na dito ang pamamaraan ng pagkatuto. Upang matugunan at maihatid ng mga guro ang dekalidad na edukasyon sila’y sumasailalim sa iba’t ibang uri ng pagsasanay. Buwan ng Marso, bagong kaalaman na magagamit ng mga guro sa pagtuturo sa gitna ng pandemya. Sa tulong ng Education Program Specialist II- G. Reson A. Gregorio ng Alternative Learning System ang trabaho ay mas pinadali sapagkat kanyang ipinaliwanag ang mga dapat gawin ng guro sa pagsusuri ng mga Portfolio ng mga mag-aaral sa taong panuruan 2019-2020 at maging ang mga patnubay sa implementasyon ng RPMS sa taong panuruan 2020-2021 sa panahon ng pandemya.
Sa kabilang dako, upang masiguradong nasusubaybayan ang pagkatuto ng mga mag-aaral nakiisa ang ALS sa implementasyon ng kurikulum. Ito ay naglalayong malagom ang mga paksa, aktibidad, pagsasanay at kasanayang pagganap ng mga mag-aaral. At upang masuportahan ang mga guro sa bagong normal ng pagtuturo, ang bawat mobile teacher sa Dibisyon ng Balanga ay nakatanggap ng mga kagamitan na tutustos sa modaliti ng pagtuturo.
Ang bawat isa sa atin ay sinusubok ng pagkakataon. Marami mang humadlang upang makamit natin ang edukasyong ating inaasam huwag tayong panghinaan ng loob. Sapagkat sa panahong ito tibay ng loob, paniniwala at pananalig sa Poong Maykapal ang kinakailangan.