Post date: Apr 06, 2017 7:51:35 AM
(Ni Gng. SUSAN A. BALUYOT- ALS Mobile Teacher)
Taong 2006 ng ako ay mag- umpisa sa Alternative Learning System bilang mobile teacher na pinamumunuan pa noon ni Mam Alicia Rueda.
Sa una siyempre, nangangapa ka pa kung paano ang pagtuturo sa mga learners ng ALS dahil nga sa iba’t –iba ang pagkatao at dahilan kung bakit nahinto sa pag-aaral ang mga kabataan maging ang katandaan.
Naranasan kong magturo na walang pisara, lamesa at upuan. Natatandaan ko pa na pinaglumaang yerong- liso ang aking sinusulatan upang makapagpaliwanag sa aming tinatalakay na aralin. Nakasalampak ako kasama ang aking mga mag-aaral sa lapag ng semento ng barangay hall na noon ay di pa naaayos ng kanilang punong-barangay.
Tuwing magkaklase ay kailangan ko pang puntahan isa-isa ang mag-aaral dahil nasanay silang tambay sa mahabang panahon at kadalasan ay mga puyat sa galaan.. Maraming pagkakataon na nagpapaluwal ka sa school supplies gaya ng ballpen at yellow paper na kanilang kailangan makasunod lang sa daily activities. Kada linggo ako ay bumibili ng box ng ballpen para lang ipahiram sa kanila na kadalasan wala na ring saulian.
Sa panahon ng pag-uumpisa ng klase , kaming mga guro ng ALS ay nagbabahay-bahay upang mangalap ng mga matuturuan. Naroong mapagsaraduhan pa kami ng pintuan ng may-ari ng bahay dahil katanghalian at inakalang kami ay akyat-bahay gang.
Dahil sa iba’t ibang barangay ng Balanga City ang aming destinasyon ng pagtuturo kinailangan kong kumuha ng motorbike bilang service ko dahil magastos sa pamasahe. Sa kasawiang palad naman po ako ay naaksidente sa pagmomotor dahil sa dulas ng daan. Nag-slide ako na naging dahilan upang magkaroon ako ng slight fracture sa kanang balikat na hanggang sa kasalukuyang ay idinadaing ko pa rin.
Lumipas ang maraming taon dito na nabigyang pansin ng pamahalaan ang edukasyon. Inilunsad ng aming punong-lungsod, Hon. Joet Garcia III ang World Class University. Pinaglaanan ng pondo una sa lahat ang edukasyon kaya unti-unti ay naibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral tulad ng computer, school supplies at mini-library sa bawat barangay.
Sana patuloy na bigyang katalinuhan at kalakasan ang lahat ng namumuno sa ating pamahalaan kasami kaming mga guro ng ALS upang makamit natin ang makabuluhang tagumpay para sa ating mga Out-of-School-Youth and Adults.