Post date: Oct 18, 2019 12:49:0 AM
Edukasyon ang isa sa pinakamahalagang yugto sa buhay ng isang tao. Ito ang nagsisilbing gabay ng bawat mag-aaral sa landas na kanilang tatahakin. Isang matibay na pundasyon at instrumento na makatutulong sa bawat kabataan sa pagkamtan ng kanilang mga hangarin sa buhay. Ang Alternative Learning System o mas kilala sa tawag na ALS ay isang programa nang Kagawaran ng Edukasyon na nag-aalok ng alternatibong paraan ng pag-aaral. Ang pangunahing layunin ng programang ito ay hikayatin ang mga bata, kabataan at katandaan na muling magpatuloy ng kanilang pag-aaral.
Sa patuloy na pagpapalakas ng kalidad ng edukasyon sinabi ni Education Secretary Leonor M. Briones na hangad ng ahensiya na matugunan ang natitirang puwang sa usapin sa edukasyon. Kaya naman magpapatuloy ang pagpapalawak at pagpapaigting ng Alternative Learning System (ALS). Sa pagsisimula ng taong panuruan 2019-2020 ang lahat ng programa ng ALS ay kinakailangan na ipatupad ang 2019 ALS K to 12 BEC o ALS 2.0. Upang matagumpay na maisakatuparan ang programang ito ang lahat ng mga kaguruan sa Rehiyon III ng ALS ay sumailalim sa siyam na araw ng pagsasanay. Layunin ng pagsasanay na ito na (a) Matutuhan ang mga Kasanayang Pampagkatuto sa ALS K-12 BEC at MYDev Life Skills (b) Patakaran ng ALS 2.0 (c) Magpagbuti ang pamamaraan ng pangangasiwa at pagtuturo; at (d) Turuan ang mga guro sa paggamit ng proseso ng estratehiya at mga bagong kagamitan na kaugnay ng pagpapatupad ng ALS 2.0.
Ang mga Kasanayang Pampagkatuto ng ALS-K to 12 BEC ay nakahanay ngunit hindi sumasalim sa kurikulum ng pormal na paaralan. Sakabila ng malaking pagbabago sa ALS ang Kagawaran ng Edukasyon ay mananatiling gagamitin ang mga naunang kaalaman ng mga mag-aaral. Ito ang magsisilbing gabay ng mga kaguruan sa kung ano ang aktwal na programang ibibigay at aangkop sa lebel ng kasanayan at kaalaman ng mga mag-aaral.
Isang mapanghamon na pagbabago, katumbas ay isang buhay na MABABAGO!