Post date: Apr 10, 2017 2:52:27 AM
Ang pagbaha ay sanhi ng mga kapabayaan at pang-aabuso ng mga tao sa ating
kapaligiran at kalikasan. Ang kalinisan ay makakabuti sa ating kalusugan. May kasabihan na , “Ang malinis na kapaligiran kaaya-ayang pagmasdan.”
Sino ba ang higit na maaapektuhan kung magkaroon ng baha? Baha na nagmula sa basura at kalat na ating itinatapon sa kahit saang lugar lamang. Mayroon pa kayang katulad mo ang magmamalasakit sa kapakanan ng bawat mamamayan? Higit sa lahat sino ba ang dapat sisihin sa mga biglaang pagbaha? Di ba tayo na hindi isinasaalang-alang ang kalagayan ng ating Inang Bayan. Sa mga taong walang pakundangan sa pagpuputol ng mga puno sa kagubatan. Pagpuputol na nagbubunga ng pagguho ng lupa sa burol o kabundukan. Walang dereksyon sa pagtatapon ng mga kalat gaya ng plastic, goma, bote na bumabara sa mga daluyan ng tubig o sa mga kanal.
Sa pamayanan palang ay itinuturo na ang mga pagsesegregate ng mga basurang pwede pang-irecycle, ibenta, pakinabangan gaya ng plastic na bote na ginawang silya, goma na pwedeng pagtamnan ng gulay at halamang gamot. Malaki ang ating pananagutan sa ating kapaligiran dahil tayo ang naninirahan dito. Tayo ang higit na dapat mangalaga, magmalasakit at magmahal sa biyayang kaloob ng Maykapal.
Gugustuhin nyo pa bang maranasan natin ang dinanas ng mga nakatira sa Ormoc City na binaha ng matindi. Ang mga taga Leyte na binayo ng bagyo at maraming namatay at nasirang kabuhayan. Sana maging aral sa bawat isa sa atin na ang gawang masama ay hindi nagbubunga ng mabuti. “Tapat mo, Linis mo” ang slogang nagtuturo ng pagiging responsible nating lahat sa ating kapaligiran. Maging mulat tayo sa mga gawaing makakabuti at magpapaunlad sa ating nasasakupan. Tandaan na laging nasa huli ang pagsisisi. Hindi na natin maibabalik o mababawi ang mga kamaliang ginawa o nasabi natin bagkus ay sikapin natin ituwid natin ang mga sanhi ng kamalian at maging halimbawa tayo sa pagpapalaganap ng tamang pamamaraan para makaiwas sa baha.