Saadia G. Baluyot

Post date: Jan 23, 2011 10:8:55 AM

Ang karunungan ay pinakamahalagang kayamanan sa bawat tao upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Ako si Saadia G. Baluyot, 24 taong gulang. Nakatira sa Ibayo, Balanga City. Ako ay isa sa mga mga anak na naging pasaway sa magulang. Barkada, laging gala at gimik ang alam

gawin kaya nahinto ako sa pag-aaral . Para hindi maging pabigat sa magulang ko naisipan ko ang magtrabaho, ngunit hindi naging madali ang maghanap ng trabaho dahil hindi ako nakatapos ng high school. Nakapasok ako sa trabaho at sinubukang pagsabayin ang pag-aaral, ngunit hindi rin nagtagal huminto ulit ako. Naisipan ko na lamang mag-ipon muna para makapagpatuloy sa aking pag-aaral subalit tuluyan ko ng nakalimutan ipagpatuloy pa ang aking pag-aaral. Hanggang mabalitaan ko ang tungkol sa programa ng ALS na humihikayat sa mga kabataan na magpatuloy sa kanilang pag-aaral. Ang layunin nilang makatulong sa mga kabataan na makapagtapos ng kanilang pag-aaral dahil sa hirap ng buhay.

Kasama ng aking pinsan na si Angelica kami ay pumunta sa opisina ng ALS upang magpatala at pumasok sa ALS. Dito ako ay makakapag-aral ng libre walang tuition fee na babayaran. Masaya kaming tinanggap ng staff ng ALS at dito namin nakilala ang aming guro na si Mrs. Irene P. Aranas na laging nakangiti pagpasok sa aming klase. Masaya kaming lahat sa buong klase namin dahil nagtuturingan kami na magkakapatid sa isa’t-isa. Masuwerte din kami sa mga gurong nagsubaybay sa aming klase, Mam Madrid, Sir Robles Jr, Mam Wylen, Mam Susan at Sir Jimmy na nagtiyagang nagturo sa aming klase.

Nakasama ko din sa paggawa ng KATUWANG NEWSLETTER si Masae Ijima isang Japanese Volunteer mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA). Isa rin ako sa mga mag-aaral na sumalubong sa mga Japanese na bumisita at nagobserba sa aming klase. Dumating na ang araw na aming pikahihintay ang A&E Test, nakakaba pero masaya dahil kami ay may makakakuha ng pagsusulit. Nang lumabas na ang resulta tuwang-tuwa ako dahil isa ako sa pinalad na nakapasa. Nakatutuwang isipin at alalahanin ang mga araw na aming pinagsamahan ng mga gurong walang sawang sumabaybay sa amin at ng aking mga kaklase.

Sa ngayon ako ay nagpatuloy ng aking pag-aaral sa STI College Balanga sa kursong (DIT) Information Technology, isang taon na lamang at makakatapos na rin ako sa kolehiyo tulad ng iba pang nakapasa sa ALS.

Para sa mga makakabasa nito huwag kayong mawawalan ng pag-asa nandiyan ang mga guro ng ALS na tutulong sa mga out- of- school youth na tulad ko. Magsimula kayo at magsumikap upang makatapos ng pag-aaral para sa inyong sarili at mga magulang. Huwag kalilimutang may gumagabay at umaalalay sa Itaas.

Lubos akong nagpapasalamat sa staff ng ALS, Nawa’y marami pa kayong mga kabataang matulungan.

Maraming-maraming Salamat po! ! !